Sunday, October 17, 2010

Excited sa Star City

October 8, 2010, sobrang excited ako hindi dahil sa seminar kundi sa Star City, maaga akong nagising at gumayak para hindi ako mahuli ng dating sa tagpuan namin ng mga kaibigan ko sa istasyon ng tren. Nagpahatid pa ako sa aking ama sa sakayan ng jip papuntang Monumento, hintayan namin ng kaibigan kong si Michelle at Angelo, ang kasintahan ko, sabay sabay na kaming pumunta doon. Pagkarating namin sa istasyon ng tren, wala pa pala sila Rose, Raph at Arnel, nainip agad ako, kay aga ko pa naman gumising tapos late din pala ang iba pero natawa na lang din ako. Hindi nagtagal at dumating na rin sila, nag taxi na kami papunta sa Restaurant na pagdarausan ng seminar. Nag kuhaan kami ng litrato, nagkwentuhan, nagkulitan sa loob ng taxi. Nakikulit din naman si kuya(taxi driver) sa amin hanggang sa nakarating na kami sa pupuntahan namin, muntik pang makalimutan ang tatlong daan at limampung piso na bayad kay kuya sa serbisyo nya .. sa isip isip ko parang mahal naman pero okay na din 'yon.

Pumasok na kami sa restaurant at 'di nagtagal, nagsimula na rin ang seminar, masarap ang bawat pagkaing inihanda para sa amin(aba natural P 650.00 ata ang ibinayad namin bawat isa :)). kumpleto mula sa appetizer hanggang dessert. Pinaka nagustuhan ko ang Salad nila na sinasabing Tessie Tomas recipe daw.. First time ko kasing kumain ng raw(hilaw) food. hindi ko na masyadong nakain ang entree kasi nabusog ako kaagad. Gusto ko ng pumunta ng Star City :) hindi lang naman ako ang excited pati narin sila. Hanggang sa natapos na nga ang seminar. Bago kami umalis, Nag kuhaan ulit kami ng letrato kasama ang mga staff at pati na rin ang professor namin. dumeretso na kami ng Star City, muli, nag taxi kami. P 150 ang ibinayad namin.

Pagkarating doon, sarado pa pala, 2pm pa ang bukas ng amusement park na 'yon. Isang oras pa ang hihintayin namin bago magbukas ang Star City kaya nagpalit muna kami ng mga damit sa 'di kalayuang comfort room. Kuhaan muli ng letrato sa paligid ng Star City at kwentuhan.

Sa wakas, nagbukas na din ang Star City, agad kaming nag kuhaan ng litrato at pumila na upang bumili ng tiket. Pagkabili ay pumila na para makapasok. Nagtitingin muna kami ng mga paninda doon. Pinuntahan namin ang mga Horror attraction nila, sumakay sa mga rides hanggang sa inabutan na ng gutom kaya kumain muna kami. Pagkakain ay larga ulit hanggang sa masakyan ko na ang Surf Dance, natatandaan ko pa noong unang sakay ko ay mahilo hilo ako pagkababa ng ride na 'yon at hindi din naman nagkamali ang hinala ko sa pagsakay muli doon, muli akong nahilo, ni hindi makatayo sa sobrabg pagod sa kakatili ko. Naisip ko, "sana hindi pala ko sumakay doon eh, hindi ko tuloy nasakyan ang Wild River ng dahil sa hilo ko, hay nako"

Napagdedisyunan na rin naming umuwi dahil gabi na at nag text na ang ina ni Rose. Masaya ako dahil kasama ko ang mga kaibigan ko at ang mahal ko sa araw na 'yon. Sana maulit muli.